MALABON CITY – AGAW-BUHAY ang isang binata nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman na nagalit matapos payuhan ng una na umuwi dala ng kalasingan, kahapon ng madaling araw.
Nakaratay sa Tondo Medical Center si John Rez, 22, nakatira sa Barangay Tonsuya ng lungsod, dahil sa tinamong saksak sa kaliwang leeg at kanang balikat.
Hindi naman malaman ng mga pulis kung sino ang sumaksak sa suspek na si Redenze Manaclang, 24, kalugar ng biktima, na nahuli sa follow-up operation, na may saksak sa dibdib at likurang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat, nag-iinuman ang dalawa sa kahabaan ng Perez Street, Barangay Tonsuya, Malabon City, bandang alas 2:00 ng madaling araw.
Pinayuhan ni Renz si Manaclang na umuwi na dahil lasing na ito, na sinabayan na rin ng uwi ng una.
Umihi sa gilid ng pader ang biktima subalit bigla na lang siyang pinagsasaksak ng suspek saka tumakas dala ang patalim na ginamit.
Nakita ni Ryan Revecencio, pinsan ng biktima, na duguan ito kaya dinala ng una sa nasabing pagamutan ang kaanak.
Nalaman ng iba pang kamag-anak ang kinaroroonan ni Manaclang kaya humingi sila ng tulong sa Police Community Precinct (PCP) 8 at dinakip ang suspek.
Subalit nakita ng mga pulis na duguan din ang suspek dahil sa mga saksak nito.
Dinala sa Jose Reyes Memorial Hospital si Manaclang at nahaharap sa kasong frustrated murder. VICK TANES
Comments are closed.