GOOD day, mga kapasada! KUMUSTA po ang buhay pamamasada? Mahalaga po ang paksang ating tatalakayin sa isyung ito ng Patnubay ng Drayber. Unawain pong mabuti ang paksang ito dahil kayo po ang subject ng kahingiang paglilinaw na idinulog ng konsernadong grupo sa Department of Transportation (DOTr).
Kamakailan, inihayag ng isang dating mataas na opisyal ng DOTr na lubusan ang kanyang pagsang-ayon sa petisyon ng commuter at transport group na ibasura ang ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP) ng local government units. Sa isang panayam, inihayag ni Elvira Medina, dating opisyal ng DOTr at founder ng National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP), na todo suporta siya sa laban ng transport group na masusugan sa lalong madaling panahon ang NCAP o ayusin munang mabuti bago ito ipatupad.
Binigyang-diin ni Medina na dapat talaga ang traffic violator o driver ang managot at hindi ang operator o registered owner. Sinabi ni Medina na “I fully agree and support this. In the past, operators of buses were unduly penalized instead of the drivers. This rule will also eliminate the use of fixers thus eradicating corruption,” paliwanag ni Medina. Nitong nakaraang linggo, sama-sama ang lahat ng mga nakatalaga sa transport at commuter groups na kinabibilangan ng lahat ng transport commuter tulad ng mga operator ng taxi, bus, jeepney, motorcycle taxi, tricycle, school service, TNVS, van, truck, gayundin ang mga conductor, na mariing nanawagan sa LGUs) na nagpapatupad nito na ayusin muna ang NCAP bago ito ipatupad.
Ayon naman kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Community Safety and Protection (LCSP), lubhang ikinairita ng commuter groups ang NCAP kaya panawagan nila na pakinggan naman sana ang karaingan ng grupo. Talaga, aniya, na napakataas ng multa sa NCAP lalo na ngayong nagsasalat ang mga driver sa kita dahil sa pananalasa ng COVID-19 pandemic. Nauna rito, nanawagan na rin LGUs ang iba’t ibang transport groups na ilagay muna sa wastong perspective ang NCAP bago ito lubusang ipatupad. Mariing tinuran ni Inton na ang sama-samang pagdalo ng iba’t ibang opisyal ng mga transport group leader ay upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa ipinipilit na policy lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ni Inton na narinig naman ng lahat ang pahayag ng bawat pangulo ng mga grupo na ang NCAP ay hindi kalutasan o solusyon sa trapik kundi pahirap sa lahat, public man o pribadong motorista. Idinagdag pa ni Inton na una, wala ito sa panahon, pangalawa hindi rin makatarungan ang taas ng multa, wala rin sa lugar ang sinasabi ng policy na ang operator ang dapat magbayad ng multa dahil ang driver ang siyang direktang lumabag sa traffic. Boses naman ng mga transport leader, inihayag ng mga ito na hindi ang NCAP ang sagot sa pagdisiplina sa traffic lalo na at maraming mga traffic sign ang hindi maayos.
Gayundin, ayon pa kay Inton, reklamo ng mga transport group leader na hanggang ngayon ay inaabot pa rin ng dalawa hanggang tatlong buwan ang pagpapadala ng summon ng mga LGU sa mga registered owner kaya lalong lumalaki ang kanilang binabayarang multa dahil sa patong na interest. Kasabay na inireklamo ng grupo ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel dahil sa halos sa diesel na lamang umano napupunta ang kinikita ng mga drriver sa kanilang pamamasada.
MUNGKAHI NG TRANSPORT GROUP SA PAGTAAS NG PRESYO NG PETROLYO
Suhestiyon ng isang transport group leader at operator ng mga pampasadang sasakyan ang tatlong solusyon bilang katugunan sa linggo-linggong pagtataas ng presyo ng petroleum products, partikular ng diesel. Sa isang pakikipanayam, sinabi ni Atty. Vigor Mendoza II, national chairman ng Kilusan ng Pagbabago sa Indusriya ng transportasyon (KAPIT) at fleet operator and founder ng Beep Jeep, ang kanyang grupo ay humahanap ng isang mixed solution sa halip na pagtataas ng pamasahe.=
Iminungkahi ni Mendoza ang suspension ng excise tax sa diesel fuel para sa transport sa pagsasabing P6 ang saving dito at napakalaking bagay nito sa transport. Iminungkahi pa ni Mendoza na dapat palawigan ng bangko ang loan terms para sa public transport sector sa loob ng dalawang taon.
Gayundin, suhestiyon ni Mendoza sa DOTr na dagdagan ang seating capacity ng public utility vehicles (PUVs). Ayon kay Atty. Mendoza, nitong nakaraang linggo, ang transport groups sa pangunguna ng Voltes-5 ay naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na humihingi ng P3 taas sa pasahe bunsod ng fuel cost increase. “Dapang-dapa na kami gusto pang pasagasaan sa pison,” hinaing naman ni Orlando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Operaytor sa Pilipinas (LTOP).
SISTEMATIKONG SOLUSYON SA PROBLEMA SA TRAPIKO
Napapanahon at kailangan ang isang sistematikong solusyon sa problema sa trapiko sa kinakaharap nating krisis sa langis. Halos linggo-linggo, ang pagtaas ng presyo ng langis ay hindi mapigilan sapagkat ito ang kahingian ng pagkakataon na ipinatutupad sa world market. Ang polisiya ay magiging isang inutil na ahensiya ng pamahalaan kung patuloy na mananatili ang kawalan ng edukasyon ng mamamayan – drayber, may-ari ng sasakyan, at ng mga taong sumasakauy – kung ano-ano ang kanilang mga karapatan at obligasyon sa pagmamaneho at paggamit ng mga lansangan.
Kung kailangan ng isang alagad ng batas na malaman ang batas-trapiko bago niya magampanan ang kanyang tungkulin, lalong higit na nararapat malaman ng taumbayan ang kanilang mga karapatan at responsibilidad upang hindi siya maging biktima ng katiwalian. Bukod dito, ang tamang pagmamaneho, maintenance at trouble shooting ng makina, pati na ang paraan ng pagrerehistro ng sasakyan, pagkuha ng lisensiya ng drayber, mga batas-trapiko at kaukulang multa at parusa sa mga paglabag dito, ay dapat malaman ng lahat.
Sa ganitong sistema, ang mga pagkakamali at kawalang galang ng drayber sa kapwa drayber ay maiiwasan. Magiging maayos ang daloy ng trapiko, mawawala ang abuso ng drayber sa kapwa drayber at sa pedestrian, at higit sa lahat, mababawasan (kung hindi man tuluyang mawala) ang mga reported tong collection na nagbibigay sa masamang imahe ng pulisya. Ang kinakaharap na krisis sa langis na pinalubha ng COVID-19 pandemic at ng sunod-sunod na kalamidad na dinanas ng bansa tulad ng lindol, baha at sunog, at ang banta sa seguridad ng bansa mula sa makakaliwa (CPP/NPA/NDF) at maging ang mga planong destabilization plans ng ilang tiwaling politiko ay nagdudulot ng tagilid at pahapay- hapay na ekonomiya ng bansa.
Sa panahon ng pandemya, nagdurusa ang taumbayan sa taas ng halaga ng bilihin gayong wala namang kinikita ang ilang milyong unemployed at mga underemployed na manggagawa. Luwa ang mata. Payat, subalit malalaki ang tiyan ng mahihirap na Pilipinong umaasa sa kakarampot nilang kinikinta sa pamamasada.
Dahil sa pagkawala ng mga pampasadang sasakyan sa mga lansangan ay ibayong dulot na kapariwaan sa pagre-report ng mga trabahador patungo sa kanilang place of works at pabalik sa tahanan. Kaya naman, sa pamamagitan ng pitak na ito ay isang munting abuloy sa mga kapasada upang maibsan ang mga pasaning ating kinakaharap na sana ang mga drayber, may-ari ng sasakyan, at mga mananakayang mamamayan ay isang malaking bahagi ng lipunan na may malaking papel na ginagampanan sa ekonomiya ng bansa. Dalangin ng pitak na ito ang disiplina at wastong paraan ng pagmamaneho, pagsunod sa batas-trapiko, trouble shooting at maintenance ng sasakyan ay makababawas sa fuel consumption at maintenance cost.
Ito ay isang paraan ng pagtitipid na kung gagawin nating nationwide ay bilyong piso ang magiging katumbas. Ang ating matitipid dito ay maidaragdag na gastusin sa pagkain, damit at iba pang pangangailangan ng pamilyang Pilipino sa panahon ngayong tayo ay nagdurusa likha ng COVID – 19 Pandemic.
LAGING TATANDAAN: UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. HAPPY MOTORING!