CALOOCAN CITY – ARESTADO ang apat na hinihinalang sangkot sa droga kabilang ang isang construction worker na nagpakilalang intelligence officer matapos maaktuhang nagtatransaksyon ng droga kahapon ng madaling araw.
Si Alimona Radiamoda Abbas, 37 ng Phase 12, Brgy. 188 Tala, na nagpakilalang government intelligence officer, kasama si Rebecca Ramos, 39, Joseph Darius Abrasaldo, 20 at Jaymark Villanueva, 24, pawang mga residente ng Brgy. Bagong Silang ay naaresto sa kanto ng Domato Avenue at Kaagapay Road, Phase 12, Brgy. 188 dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Unang nirespondehan ng mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 4 na sina PO1 Frankie Gundayao, PO1 Mark Ocampo at PO1 Jay Tadeo ang tawag mula sa Station Tactical Operation Center hinggil sa isang tip mula sa concerned citizen na may nagaganap na transaksyon ng droga sa naturang lugar.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, napansin ang mga suspek na ilegal na nagtatransaksyon ng droga na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Tinangkang papaniwalain ni Abbas ang mga pulis na nasa lugar siya dahil sa pagtupad ng kanyang misyon bilang government intelligence officer sa pamamagitan ng pagpapakita ng ID card at expired na mission order, subalit wala itong naipakitang koordinasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nang kapkapan ng mga pulis si Abbas, dalawang plastic sachet na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng shabu ang narekober sa kanya habang nakuhanan din sina Abrasaldo at Villanueva ng isang plastic sachet ng shabu. EVELYN GARCIA
Comments are closed.