ISA NA LANG SA WARRIORS

GS WARRIORS

NAGPAKAWALA si Kevin Durant ng 43 points upang pangunahan ang defending champion Golden State sa 110-102 panalo laban sa Cleveland Cavaliers at lumapit sa pagsungkit ng ikatlong NBA title sa apat na seasons.

Kinuha ng Warriors ang commanding 3-0 lead sa best-of-seven NBA Finals at sa pagwawagi sa Game 4 sa Biyernes (Sabado sa Manila) ay makukumpleto ang unang championship series sweep magmula nang bokyain ng Cleveland ang San Antonio noong 2007.

Wala pang koponan ang nakabangon mula sa 3-0 deficit upang magwagi sa isang playoff series, subalit nagawa ng Cavaliers ang pinakamatikas na paghahabol sa kasaysayan ng NBA Finals noong  2016 mula sa 3-1 pagkakalugmok upang agawin ang titulo sa Golden State.

Nagdagdag si Durant ng 12 rebounds at 7 assists sa kanyang  career-high playoff scoring total, at naisalpak ang isang  3-pointer, may 49 segundo ang nalalabi, upang bigyan ang Warriors ng 106-100 bentahe na nag­selyo sa kapalaran ng Cleveland.

“That was amazing what he did out there,” wika ni Warriors coach Steve Kerr. “Some of those shots, I don’t think anybody in the world but him could have made those shots.”

Ang huling basket ni Durant ay nakapangingilabot na katulad ng 3-pointer na kanyang kinamada sa krusyal na sandali sa Game 3 noong nakaraang taon laban sa Cavs na nagbigay sa  Golden State ng panalo.

Isa na naman itong dagok sa title hopes ni Cleveland star Le­Bron James, na tumipa ng 33 points, 10 rebounds at 11 assists habang nag­dagdag si Kevin Love ng 20 points at 13 rebounds para sa Cavaliers.

Ang Cavaliers ay 8-1 sa home sa playoffs na may walong sunod na panalo makaraang matalo sa kanilang first-round opener sa Indiana.

Su­balit uma­ngat ang Warriors sa 10-2 laban sa Cavaliers magmula nang umanib si Durant sa Golden State bago ang huling season.

Masama ang pagkakabagsak ni James sa pagkuha ng rebound sa kaagahan ng second quarter at iika-ika sa kanyang kanang bukong-bukong, subalit nagpatuloy sa paglalaro ang four-time NBA Most Valuable Player at tinulungan ang Cavaliers na manatili sa kontensiyon sa second half.

Nagbalik sa lineup ng Golden State si Warriors forward Andre Iguodala, ang 2015 NBA Finals Most Valuable Player, makaraang ma-sideline dahil sa left leg bone bruise. Nagtamo siya ng  bruised right leg sa second quarter subalit bumalik sa fourth quarter.

Umiskor si Durant ng 9 points sa 15-8 run upang tapusin ang second quarter na naglapit sa Golden State sa 58-52 sa halftime matapos maghabol ng hanggang 13 points.

Gumawa si JaVale McGee ng 6 points at nagdagdag si Durant ng lima sa 15-3 run ng Golden State sa ka­agahan ng third quarter na nagbigay sa Warriors ng unang kalamangan na lumobo sa team-best 69-64.

Nakalapit ang Cavaliers, sa pangunguna ni reserve Rodney Hood, sa 83-81 papasok sa fourth quarter at nakipagbuno sa Warriors sa mga huling segundo.

Kumana si Stephen Curry, nagmintis ng 13 sa kanyang unang  14 shots, ng isang  layup at 3-pointer back-to-back upang bigyan ang Golden State ng kalamangan at hindi na lumingon pa.

Tumipa si Curry ng 11 points habang nag-ambag sina McGee, Draymond Green, Klay Thompson at Jordan Ball ng 10 para sa Warriors.

Kumabig si Durant ng 24 points at 8 rebounds sa first half habang ang apat na iba pang starters ng Warriors ay nagtuwang ng 5-of-20 mula sa floor para sa  13 first-half points at tangan ng Cleveland ang 28-16 first-half rebounding edge.  AFP

Comments are closed.