BUMABA ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa 5.4 percent noong Hulyo mula sa 5.6 percent na naitala sa kaparehong panahong noong Hulyo 2017, ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang naturang bilang ang pinakamababang unemployment rates na naitala sa lahat ng surveys na isinagawa sa buwan ng Hulyo magmula noong 2008.
“An average of 1.17 million in additional employment has been created so far in the first three rounds of the Labor Force Survey. And this puts the government on track in meeting its target of 900,000-1.1 million employment generation for 2018,” wika ni NEDA chief at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Ang employment rate ay tumaas sa 94.6 percent noong Hulyo 2018, mula sa 94.4 percent noong Hulyo 2017.
“This is the highest among previous July rounds in the last 10 years and similar to July 2016, with an estimated net generated employment of 488,000, and total employme nt reaching 40.7 million,” ayon pa sa NEDA.
Subalit, tumaas naman ang underemployment rate sa bansa sa 17.2 percent mula sa dating 16.3 percent.
Sa paliwanag ni Ateneo Graduate School of Business professor Wilfrido Arcilla, hindi lang ang dami ng trabaho ang mahalaga kundi maging ang kalidad nito.
Malinaw, aniya, na ang pagtaas ng underemployment rate ay nangangahulugan na maraming empleyado ang naghahanap ng karagdagang trabaho upang maabot ang kinakailangang suweldo para matugunan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Inaasahan aniyang magpapatuloy pa ang pagtaas ng underemployment rate dahil sa tagal ng pagpapatupad ng dagdag sa minimum wage.
Ang jobless rate ay base sa bilang ng mga Filipinong may edad 15 pataas habang ang mga underemployed naman ay ang mga empleyado na may trabaho ngunit nais magkaroon ng dagdag na oras o dagdag-trabaho. VERLIN RUIZ
Comments are closed.