BAHAGYANG bumaba ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho noong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa resulta ng Labor Force Survey, ang unemployment rate ay bumaba sa 5.5 percent na katumbas ng 2.360 million Filipinos, mula sa 5.7 percent o 2.443 million sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“Unemployment has declined. It’s good. We have created 685,000 new jobs as result of this … we are very happy… ” wika ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa isang press briefing.
Sa naturang press briefing ay sinabi naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon na ang unemployment rate ang naitalang pinakamababa sa lahat ng April rounds ng Labor Force Survey.
Ang mga rehiyon na may pinakamataas na unemployment rates ay ang Ilocos sa 7.3 percent, CALABARZON sa 6.6 percent, at National Capital Region sa 6.4 percent.
Sa kabila ng pagbaba ng unemployment rate ay tumaas naman ang underemployment rate o bilang ng mga may trabaho pero nais pang magkaroon ng dagdag na oras sa trabaho o dagdag na hanapbuhay.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang underemployment noong Abril sa 17 percent mula sa 16.1 percent na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.
Magugunitang mismong ang World Bank ay nagpahayag noong nakalipas na buwan na krusyal ang pagtugon sa problema sa underemployment para mabawasan ang kahirapan sa bansa.
Samantala, bilang tugon sa pagtaas ng underemployment ay sinabi ni Edillon na bagama’t may demand sa paggawa, makabubuting mag-invest pa rin ng skills at karanasan ang mga empleyado para makuha ang trabaho na swak sa kanilang kakayahan.
“I think what really needs to happen is for the workers to improve their employability so that they get decent wages. Ang kailangan na lang is to have the match between what is being demanded by the firms, business sector, and what is being supplied,” aniya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.