(Kasado na ngayong araw)P3 TAAS-PRESYO SA TINAPAY

SIMULA ngayong araw ay ipatutupad ng Gardenia Bakeries Philippines Incorporated ang P3 taas-presyo sa kanilang tinapay maliban sa Pinoy Tasty at Pinoy Pan de sal.

Sa anunsiyo ng kompanya, may dagdag na P3 sa presyo ng kada 600 grams ng tasty na classic white bread loaf kung saan, mula sa dating P79, magiging P82 na ito.

Dalawang piso naman ang magiging dagdag sa presyo ng kada 400 grams nito na nagkakahalaga na ng P57.00 mula sa dating P55.00.

Magiging P52.00 ang dating P49.50 na presyo ng mas murang brand ng Gardenia na Neubake matapos madagdagan ng P2.50 ang kada 450 grams.

Mula sa P53 ay magiging P55.00 naman ang premium pandesal habang P53 mula sa dating P50.00 ang presyo ng soft delight pandesal family pack.

Ayon sa kompanya, noon pang Hulyo huling nagmahal ang kanilang produkto kaya panahon na para magdagdag sila ng presyo dahil nagmahal ang maraming sangkap sa paggawa ng tinapay, kabilang na ang trigo na ginagawang harina, asukal at asin.

Sa ngayon, hindi muna itataas ng kompanya ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pan de sal dahil kabilang ito sa basic necessities and prime commodities ng Department of Trade and Industry (DTI) na kinakailangan ng suggested retail price (SRP) at dapat na may basbas ng DTI bago taasan ng presyo nito.

DWIZ 882