CAVITE – KALABOSO ang bagsak ng apat katao kabilang ang 72-anyos na lolo makaraang makumpiskahan ng P195k halaga ng shabu sa isinagawang anti-drug operation sa bahagi ng Barangay Victoria Reyes sa Dasmariñas City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina Godofredo “Fred” Manalo y Macapuno, 72; Wilfred “Butchocoy” Candano y Cawili, 29; Joselito Teodoro y Cortez, 23, ng Block 11 Lot 19 Hills View Royal Subd., Brgy. Timalan Balsahan sa bayan ng Naic; at si Erick Slabon y Musatalla, 27, ng Brgy. Poblacion 2, bayan ng Ternate.
Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, nasakote ang mga suspek bandang ala-1:30 ng madaling araw makaraang makumpiskahan ng 13 plastic sachets ng shabu (30 grams) na may street value na P195k.
Nasamsam din sa mga suspek ang P200 marked money na ginamit sa buy bust operation at isasailalim sa chemical analysis sa Cavite Crime Laboratory Office ang mga nakumpiskang shabu.
Samantala, pina-drug test at physical examination ang mga suspek bago dalhin sa police detention facility. MHAR BASCO