LAGUNA – ISINAILALIM ng Department of Health (DOH) sa Post Psychological Debriefing Workshop ang 75 empleyado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na apektado ng pagputok ng Taal Volcano noong Enero 12 at lumikha ng traumatic at stressful experience sa kanila.
Nabatid na kabilang din sa binigyan ng post debriefing support ang mga personnel na kasalukuyang sangkot sa Emergency Operation Center (EOC) at responders na idineploy sa iba’t ibang lugar at evacuation centers sa Batangas.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, layunin ng naturang aktibidad na mabigyan ang mga empleyado ng pamahalaan ng emotional at psychological interventions upang makaagapay sa kanilang emotional pain at matulungan silang makarekober upang mapayapa ang kanilang kalooban at maramdaman nilang ligtas na silang muli.
Makatutulong din aniya ang pagsasagawa ng psychosocial debriefing at intervention sa isang indibiduwal upang matanggap at makaagapay sa kanyang kasalukuyang sitwasyon matapos ang isang nakaka-trauma na karanasan o kalamidad.
Nakapagpapahupa rin ito ng emotional injuries na sanhi ng emotional at psychological trauma at nakatutulong sa isang indibiduwal na magkaroon ng social interaction sa pamilya, komunidad at lipunan. ANA ROSARIO HERNANDEZ