MAVERICKS BUHAY PA

KUMANA si Luka Doncic ng 30 points upang tulungan ang Dallas Mavericks na pataubin ang Golden State Warriors, 119-109, at makaiwas na mawalis sa kanilang NBA Western Conference finals series  nitong Martes.

Binuhay ng Mavericks ang kanilang opensa upang masiguro ang Game 5 sa San Francisco sa Huwebes.

Wala pang koponan sa 75-year history ng NBA ang nakabangon mula sa 3-0 deficit upang magwagi sa best-of-seven playoff series.

Subalit matapos ang laro noong Martes, may tsansa pa ang Mavericks sa pagbabalik ng series sa California kung saan kailangan lamang ng Warriors ng isang panalo sa tatlong nalalabing laro para makausad sa NBA Finals.

Sa wakas ay nakakuha ng suporta si Doncic, na binalikat ang  scoring burden para sa  Dallas sa tatlong naunang laro, mula sa kanyang  teammates noong Martes.

Anim na Dallas players ang tumapos sa double figures, kung saan nagdagdag sina Dorian Finney-Smith ng 23 points at Reggie Bullock ng 18.

Tumipa si Jalen Brunson ng 15 habang nag-ambag sina Maxi Kleber ng 13 at Spencer Dinwiddie ng 10.

Pinuri ni Doncic ang defensive performance ng kanyang teammates, na nalimitahan si Golden State leading scorer Stephen Curry sa 20 points lamang.

“Our defense was amazing today,” sabi ni Doncic, na tumapos na may 14 rebounds at 9 assists.”That’s how we’ve got to play, when we play like this we’re a dangerous team.”

Nang tanungin kung maitatakas pa ng  Mavs ang series victory, sumagot si Doncic: “You never know. We’re going to stick together. It’s going to be tough, we know that but we have to stay together.”

Nagbabala naman si Dallas coach Jason Kidd na nanatiling isang talo na lamang ay masisibak ang Mavericks.

“We believe it’s just one game at a time, we did our part tonight and found a way to win tonight,” sabi ni Kidd. “The next part is to find a way to win on the road.

“We can’t get ahead of ourselves. It’s still 3-1 and Golden State is a tough place to play. But we’ve won there before. We just have to take care of the ball and make shots.”

Ang Mavs ay umabante ng 15 points sa half-time makaraang kumawala sa second quarter sa pamamagitan ng 19-2 run na nagbigay sa kanila ng double-digit lead.