NAKOPO ni College of St. Benilde Lady Blazers’ Krizelle Therese Yadao ang kanyang ikalawang gold medal sa online taekwondo tournament nang madominahan ang flyweight category ng women’s speed kicking competition sa NCAA Season 96 noong nakaraang Huwebes.
Dalawang linggo makaraang magwagi ng gold medal sa women’s poomsae freestyle event, namayani si Yadao sa speed kicking sa pagtala ng 7.175 points.
Kinuha ni Maria Laney Kaye Panahon ng San Beda ang silver na may 6.667 points, habang nagkasya si Twinkle Angela Bokingkito ng San Sebastian sa bronze na may 6.325.
Tubong Baguio City, naduplika ni Yadao ang tagumpay ni Emie Soriano Fernandez ng Jose Rizal University, na nanalo ng gold medals sa women’s poomsae standard at sa speed kicking finweight division.
Pumang-apat si Paula Julia Alfon ng Arellano University na may 6.317 points, kasunod sina Stephanie Shane Ashley Arana ng Letran (6.250) at Ria Anne Calasara ng San Beda (6.150).
Ang women’s division ng speed kicking competition ay hangang July 5 at mapapanood sa GTV channel ng GMA-7, ang bagong TV partner ng liga.
Comments are closed.