P 7.1-M SHABU NA-KUMPISKA SA BUY BUST SA MOTEL

shabu

CALOOCAN –TINATAYANG mahigit sa P7.1 milyon ang halaga ng shabu na nakumpiska ng awtoridad sa buy bust operation kung saan isa ang ­arestado sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni NCRPO Regional Director Major General Guillermo Eleazar ang naarestong suspek na si Jaymark Mercene alyas “Mac-Mac”, 18, ng Pasay City.

Ayon kay Eleazar, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang ikasa ng pinagsamang operatiba ng RDEU-NCRPO at Caloocan City Police sa pamumuno ni P/Col. Noel Flores sa koordinasyon sa PDEA-NCR Regional Office ang buy bust operation kontra sa suspek sa loob ng Room No. 7, Marsman Hotel, Rizal Ave. coner 2nd Ave., Gracepark, Caloocan na nagresulta sa pagkakaaresto ni Mercene.

Narekober sa suspek ang nasa 1,050 gramo ng shabu na tinatayang nasa P7,140,000 street value ang halaga at 12 bundles boodle marked money na nasa P1.2 milyon na ginamit sa transaksiyon.

Nabatid na unang isinagawa ang drug deal sa Caltex gasoline station, service road, Pasay City subalit, nagbago ng lugar ang suspek hanggang sa napagkasunduan na sa Marsman Hotel isagawa ang transaksiyon.

Sinabi ni Eleazar na ang naarestong suspek ay pinagkakatiwalaang tao ni Edgardo Mongado Co Jr. alyas “J.R”, kilalang leader ng grupo ng isang criminal gang na nagpapakalat ng ilegal na droga sa Pasay, Makati at ilang parte ng probinsya ng Rizal at Cavite. EVELYN GARCIA