NASAMSAM sa isang mag live-in partner na hinihinalang big-time drug pushers ang nasa P10.2 milyon halaga ng shabu matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Ernesto Francisco alyas “Ikong”, 49-anyos at Genelyn Mararac, 33-anyos, kapwa nasa drug watchlist .
Pinuri naman ni NCRPO chief P/BGen Vicente Danao Jr. ang Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangan-gasiwa ni Ortega dahil sa matagumpay na drug operation.
“Keep it up! There will be rewards and awards for those deserving personnel. Magtrabaho tayo ng tapat, may tapang, at malasakit. Huwag kalimutan ang ibayong pag-iingat sa pagseserbisyo,” pahayag ni Danao.
Sa report ni Ortega kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Eliseo Cruz, dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust op-eration ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/LT Robin Santos sa bahay ng mga suspek sa No. 4039 F. Bautista St. Ugong.
Nagawang makapagtransaksiyon sa mga suspek ni P/Cpl Kenneth Marcos na nagpanggap na buyer ng isang knot tied plastic ice bag ng shabu na nagkakahalaga sa P35,000.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa buyer ay agad sumugod ang back-up na mga operatiba saka inaresto ang mga suspek.
Ayon kay SDEU investigator PSMS Fortunato Candido, nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 1.5 kilo grams ng shabu na tinatayang nasa P10,200,000.00 ang halaga, buy-bust money na binubuo ng isang tunay P1,000 bill at 34 piraso boodle money, P15,000 cash, digital weighing scale, 3 cellphones, 3 wrist watch, 1 pares ng gold earrings at 2 gold necklace. EVELYN GARCIA/VICK TANES
Comments are closed.