CAMP CRAME-NANINIWALA si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na ang nakumpiskang shabu ng awtoridad na nagkakahalaga ng P11 bilyon sa iba’t ibang operasyon sa nakalipas na anim na buwan ang maghihikayat sa mga mambabatas na aprubahan ang death penalty sa mga sangkot sa droga.
Tiniyak ni Gamboa, na suportado ng PNP ang parusang death penalty para sa mga drug offender o mga indibiduwal na guilty sa kasong may kinalaman sa droga.
Ginawa ng PNP ang pahayag matapos na mabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na pinamamadali nito sa Kongreso ang pagpasa ng batas na nagpapataw ng kaparusahang death penalty by lethal injection para sa mga krimen na sakop ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa heneral, bahala na ang mga mambabatas kung paano nila susukatin ang mga nakumpiskang droga para pasok sa parusang death penalty ang isang drug offender.
Subalit kung siya ang tatanungin, dapat 50 grams pataas ng shabu na makukumpiska sa isang drug suspect ay pasok na ito sa kaparusahang bitay.
Naniniwala si Gamboa na isa itong magandang hakbang para mabawasan ang mga transaksiyon ng droga sa bansa.
Sinegundahan naman ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang pahayag ni Gamboa na panahon na ang parusang bitay sa mga nagpapalaganap ng droga na pangunahing sanhi ng pagkasira ng buhay ng kabataan gayundin ng mga krimen. REA S.
Comments are closed.