P20-M SHABU NASAMSAM, CHINESE AT 2 PA HULI

SHABU

VALENZUELA – TINATAYANG mahigit sa P20 milyong halaga ng shabu ang nakum­piska ng mga awtoridad sa apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang isang Chinese national na naaresto sa buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga naarestong suspek na si Lianlai Wu, Chinese national, Florencio Serdon, Sunbenny Marquez Jr. at Christopher de la Cruz.

Ayon sa ulat, Sabado ng umaga nang ikasa ng pinagsamang mga ope­ratiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Valenzuela City Police sa ilalim ng pamumuno ni P/ Col. David Nicolas Poklay ang buybust operation kontra sa mga suspek sa Cadena De Amor St., Bahayang Pag-asa, Barangay Maysan.

Isa sa mga operatiba ng PDEA ang nagpanggap na buyer na nagawang makaiskor ng isang sachet ng shabu sa mga suspek kapalit ng P1,000 marked money.

Nang malaman na nagkaabutan na ay agad sumugod ang back-up na mga operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek kung saan bukod sa nabiling shabu, narekober din sa mga ito ang tatlong kilo ng hinihinalang shabu na nasa P20 milyon street value ang halaga at buybust money.

Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang supplier ng mga suspek ng mga nakumpiskang shabu. EVELYN GARCIA

Comments are closed.