PARAÑAQUE CITY- NASA P40.8 milyong halaga ng shabu ang nalambat sa tatlong drug suspects sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.
Arestado ang target sa naturang operasyon na si Hamodine Ibrahim kabilang ang kanyang dalawang pinsan na sina Datunot Magelna at Eric Musa.
Base sa ulat ng Eastern District Office ng PDEA-National Capital Region (NCR), bandang alas-8:30 ng gabi kamakalawa ng matagumpay na naisagawa ng mga operatiba ng PDEA ang operasyon sa condominium na inuupahan ni Ibrahim sa Barangay Moonwalk, Parañaque City.
Ayon sa PDEA, isa sa kanilang na impormante ang nagtimbre sa kanila na may bentahan ng ilegal na droga na nagaganap sa condo ni Ibrahim.
Dagdag pa ng mga residente, iba’t ibang sasakyan ang kanilang nakikita na pumaparada sa lugar na labas-masok sa condo ng suspek na limang buwan pa lamang na naninirahan sa kanilang lugar.
Nagkaroon ng pagkakataon ang PDEA na makipagtransaksiyon kay Ibrahim sa pamamagitan ng isa sa kanilang mga tauhan na tumayo bilang buyer upang umiskor ng isang kilong shabu sa halagang P800,000.
Nagsilbing hudyat sa pagsalakay ng mga nakaantabay na operatiba ang paglabas sa condo ng poseur-buyer kung kaya’t agad na pumasok ang mga ito na nagdulot sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Sa pagsisiyasat sa loob ng condo ng mga suspek ay nakarekober ang mga operatiba ng mahigit anim na kilo na pake-paketeng shabu na nagkakahalaga ng P40.8 milyong piso na kung saan ayon pa sa PDEA ay sa southern Metro Manila ibinebenta ng mga suspek ang nakumpiskang ilegal na droga.
Sa panig naman ng mga suspek, mariing itinanggi ni Magelna ang kanyang partisipasyon sa pagbebenta ng droga at sinabing napag-utusan lamang sila na mag-distribute ng droga ng taong hindi naman nila kilala.
Sa kasalukuyan ay dumadaan sa interogasyon ang mga suspek at inaalam pa ng PDEA kung may koneksiyon ang mga ito sa mga nahuling drug suspects kamakailan ng Philippine National Police (PNP) sa magkapatid na sina Joel at Merwin Bustamante sa buy bust operation sa Las Piñas gayundin kay Chinese na si Liu Chao na inaresto naman sa Makati City.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.