LAS PIÑAS – NAKUMPISKA ng magkasanib na puwersa ng Las Piñas City police at ng Philippine Drug Enforcement Group ang nagkakahalaga ng P455-million shabu sa loob ng isang apartment Sabado ng umaga.
Ayon kay Lt. General Camilo Cascolan, deputy chief for operations of the Philippine National Police, tumawag sa kanya si Maria Clavo, may-ari ng apartment na Unit-A Lot 27 Block 5 F. Manalo St., Golden Acres Subdivision, Talon 5, Las Piñas City at sinabi na ang isang Melanie Salem ay nagpasok ng kahinahinalang mga bag sa loob ng apartment.
Agad namang nagtungo ang operatiba sa lugar at nadiskubre ang mga bag na naglalaman ng tea bags at kape na ang nakapaloob ay shabu na may 67 kilo at nagkakahalaga ng P455-million.
Napag-alaman na si Salem ay live-in partner ni Joel Bustamante na nahuli rin ng Las Piñas City police at ng PDEG sa C5 Ex-tension, Barangay Manuyo kasama ang kapatid nito na si Merwin, na parehong nakatira sa Tenejeros, Malabon City sa isang buy bust operation noong Nobyembre 27.
Ayon sa pulisya ang magkapatid na Bustamante ay nahulihan ng 17 pakete ng green tea bags na naglalaman ng shabu at nagkakahalaga ng P115-million.
Pahayag pa ng pulisya na ang magkapatid na Bustamante ay mga drug courier ng isang Chinese drug lord na si Lui Chao na nahulihan ng 371 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.522-billion sa Barangay San Antonio, Makati City. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.