NABAWI ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang nasa P6.5 milyon halaga ng shabu sa dalawang hinihinalang big-time drug pushers na naaresto sa buy bust operation sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.
Sa report ni NPD Acting Director Chief Supt. Gregorio Lim kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, nakumpiska ng mga operatiba ng NPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang nasa 950 gramo ng shabu na tinatayang nasa P6.5 milyon street value ang halaga sa dalawang hinihinalang drug pushers na sina Girlie Lopez, 38, at Leah Carpio, 34, kapwa ng New Antipolo St, Tondo.
Nadakip ang mga suspek matapos iabot ang 50 gramo ng shabu kina PO2 Anthony Marquez at PO2 Kenneth Geronimo na nagpanggap na buyer kapalit ng P5,000 marked money sa loob ng bahay ni Lopez dakong alas-2 ng madaling araw.
Nang halughugin ang bahay ni Lopez, narekober ng mga operatiba ang 19 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 950 gramo ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia kabilang ang weighing scale at P5,000 buy bust money.
Nagawang ma-trace ng mga operatiba ng NPD-DDEU sina Lopez at Carpio matapos ininguso ng ilang drug personalities na una nilang nahuli sa anti-drug operation sa Caloocan city na kanilang supplier ng droga. EVELYN GARCIA
Comments are closed.