NASAMSAM ng Northern Police District (NPD) ang nasa P6.8 milyon halaga ng shabu sa isang umano’y big-time drug pusher na kanilang naaresto sa isinagawang follow-up buy-bust operation sa Taguig City.
Kinilala ni NPD Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang naarestong suspek na si Rahib Abdul, 34-anyos ng Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City.
Narekober sa suspek ang tinatayang nasa 1 kilo ng shabu na may standard drug price na P6,800,000,00, P1,000 na nakabugkos sa 149 pcs boodle money na ginamit bilang buy-bust money, cellphone at isang motorsiklo.
Ayon kay Ylagan, dakong ala-1 ng hapon nang isagawa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Lt.Col Giovanni Hycenth Caliao I at P/Capt. Ramon Aquiatan Jr. ang buy-bust operation laban sa suspek sa harap ng No. 178, M. L. Quezon St., Brgy. New Lower Bicutan, Taguig, City sa koordinasyon sa PDEA at kay P/Col. Celso Rodriguez, hepe ng Taguig City Police.
Kaagad dinamba ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng P150,000 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer.
Ani Caliao, tuloy tuloy ang isinasagawa nilang drug operations na sinimulan noong Setyembre 2 at 10 sa Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa walong drug personalities, kabilang ang leader at mga miyembro ng Onie Drug Group na nag-ooperate sa CAMANAVA area kung saan umabot sa 400 gramo ng shabu ang kanilang nakumpiska. EVELYN GARCIA
Comments are closed.