MAHIGIT kalahating milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot o shabu ang nakumpiska sa dalawa umanong hinihinalang “big time drug traders” sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Kinilala ng hepe ng Malabon City Police na si Police Colonel Jessie Tamayo ang mga suspect na sina Marlon Solano “alias Bumbay”, 32, ng Block 54, Lot 21, Phase 3F2 Dagat-Dagatan at Matthew Von Erick Soriano, 24, taga Brgy. 12, kapwa taga Caloocan City.
Ayon kay Tamayo, ilang linggo ring nagsagawa ng surveillance ang kanyang mga tauhan laban sa mga suspect.
Alas-3:00 kahapon ng umaga ay kaagad na nagkasa ng buy bust operation ang kanyang mga tauhan na nakatalaga sa Station Drug Enforcement (SDEU) sa pamumuno ni Police/Lt. Zoilo Arquillo laban sa mga suspect sa panulukan ng Teachers Village at Pla-Pla St., Brgy. Longos, Malabon City.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu, na nagkakahalaga ng P1,000 at nang maiabot na ang droga ay dito na kaagad inaresto ng mga pulis ang mga suspect.
Nakumpiska mula sa mga suspect ang nasa 23 pirasong plastic sachet, na naglalaman ng shabu, na tinatayang nasa mahigit 100 gramo, na nagkakahalaga ng P680,000.00.
Napag alaman na ang mga suspect ay itinuturing umanong big time drug trader sa nabanggit na lugar at sasampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA