CAVITE – MAHIGIT sa P68 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) at pagkakaaresto sa dalawang katao sa isang operasyon sa Bacoor City.
Kinilala ni NBI Director Dante A. Gierran ang mga naarestong suspek na sina Reynaldo Moral Cordero at Irene Ilaya Biazon, kapwa residente ng Maricaban, Pasay City.
Nag-ugat ang nasabing operasyon ng NBI sa report ng NBI-Mimaropa na ang grupo ni “Kim” ay magdadala ng droga sa Bacoor at Imus, pawang sa Cavite.
Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang NBI, NBI-NCR at NBI Mimaropa sa Brgy. Lotus Bukid, Panapaan Bacoor City, Cavite kung saan inabangan ang pagdating ng isang kulay pulang Mitsubishi Lancer na may plakang WTY 942 na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Narekober sa kanila ang 2 sako ng hinihinalang shabu o mahigit sa 10 kilo na may street value na P68 million na inilagay sa Chinese Tea pack sa loob ng compartment ng naturang sasakyan.
Kinumpiska rin ng NBI ang ginamit na sasakyan ng mga suspek.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa laban sa suspek. PAUL ROLDAN
Comments are closed.