TINATAYANG aabutin ng pa ng hanggang 10 buwan bago tuluyang matapos ang pagkumpuni sa emergency room (ER) ng Philippine General Hospital (PGH).
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, uumpisahan ang renobasyon sa ER sa Hunyo 1 at batay sa ibinigay sa kanilang time frame ay hindi lang 4-8 buwan kundi posibleng abutin pa ng 10 buwan ito.
Ipinaliwanag ni del Rosario na ipinasya ng pamunuan ng PGH na ipagawa ang ER dahil hindi na ligtas ang kondisyon ng mga pasilidad nito para sa may 300 pasyenteng nagpapatingin araw-araw.
“Talagang kailangan nang kumpunihin, kumbaga sa bahay ay bumibigay na. Hindi na po safe sa ating pasyente sa loob. Tumutulo na po ang kisame, masyado nang masikip, wala pong ventilation, ang tubig po minsan may problema,” ani del Rosario.
Kaya’t habang isinasagawa naman ang renobasyon ay pansamantala munang inilipat ang ER sa Ward 14-A ng ospital habang ang paanakan na kasama sa ER complex ay ilalagay naman sa Ward 15.
Nabatid na ang lumang ER ay may bed capacity na 56 ngunit umaabot sa 130 hanggang 140 ang mga pasyente na nagkakasabay-sabay na nangangailangan ng lunas dito.
Aniya, mas maliit ang lilipatang Ward 14-A na may 26-bed capacity lamang na hahatiin pa sa lugar na pambata at pang-matanda.
Dahil dito, pinayuhan naman ni del Rosario ang mga pasyenteng nais magpagamot sa ER na maghanap na lamang muna ng ibang pagamutan upang kaagad silang malunasan.
“Alam po namin na ang PGH ay puntahan ng marami. Pero kung talagang hindi naman emergency, puwede pong pumunta sa doktor na iba, sa klinika o sa ibang ospital. ‘Yun po sana ang aming apela,” aniya pa.
Gayunpaman, bibigyang prayoridad ng pamunuan ng PGH ang mga tunay na emergency cases gaya ng aksidente, biktima ng pananaksak, mga nabaril, inatake sa puso, na-stroke, surgical emergency o mga pagkakataon na agaw-buhay na ang pasyente. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.