NAGHAHANAP ng mga paraan ang Malakanyang para matugunan ang ‘joblessness’ na sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) ay pumalo sa 22 percent.
“The Palace is seriously looking at the Third Quarter 2018 survey conducted by the Social Weather Stations (SWS) showing adult joblessness at 22 percent and is continuously finding ways to improve the local employment situation,” wika ni presidential spokesperson at chief presidential legal counsel Salvador Panelo.
Batay sa survey na isinagawa ng SWS mula Setyembre 15 hanggang Setyembre 23, may 9.8 milyong Pinoy o 22 percent ng respondents ang walang trabaho sa third quarter ng 2018.
Mas mataas ito ng 2.3 percent sa 19.7 percent na naitala sa second quarter o 8.6 million adults.
Sa 22 percent na walang trabaho noong Setyembre 2018, 9.2 percent o 4.1 million ang na-retrench, mas mataas ng 2 points sa 6.8 percent noong Hunyo 2018.
Samantala, 8.4 percent o 3.7 million ang boluntaryong umalis sa kanilang trabaho, na mas mababa ng 1.1 points sa 9.5 percent noong Hunyo.
Nasa 4.4 percent o 2 million jobless naman ang first-time job seekers na hindi pa nakakakita ng trabaho, na mas mataas ng 1 point sa 3.4 percent noong Hunyo.
Ayon kay Panelo, ang Ease of Doing Business Act (Republic Act No. 11032) ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan upang mapabilis ang business processes at mabawasan ang processing time sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang higit na maging kaaya-aya ang bansa sa investments na lilikha ng mga karagdagang trabaho para sa mga Filipino.
Tiniyak pa ni Panelo na patuloy na gagawa ng hakbang ang administrasyong Duterte para mapababa ang unemployment rate sa bansa.
Comments are closed.