KALABOSO ang isang pulis matapos arestuhin ng kanyang mga kabaro makaraang ireklamo ng pangangarnap ng motorsiklo at makumpiskahan pa ng shabu sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Jomar Castillo, 32-anyos,nakatalaga sa Pasig City Police Sub-Station 2 at residente ng 101 Ususan St., Brgy. 27, Caloocan City habang pinaghahanap pa ang hindi kilalang kasama nito.
Sa pinagsamang imbestigasyon nina SSg Jerry Basungit, SSg Michael Oben at Cpl Racky Pagindas, dakong alas-11:35 ng gabi nitong Pebrero 15, pinarada at iniwan ng biktimang si Niño Joseph Florendo Adriano, 27-anyos, IT personnel ang kanyang Yamaha XMAX sa kahabaan ng Gen. Luna corner Bernardo St., Brgy., Concepcion, Malabon City.
Makalipas ang 15 minuto ay bumalik ito subalit laking gulat nito nang mawala ang motorsiklo sa kanyang pinaradahan na naging dahilan upang i-report niya sa Malabon Police Sub-Station 6 ang insidente.
Kaagad namang nagsagawa ang mga tauhan ng SS6 sa pamumuno ni Lt. Romel Adrias ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa koordinasyon sa Tuna Police Sub-Station ng Caloocan Police sa pamumuno ni Lt Gilmer Agustin Mariñas at narekober ang isang Yamaha NMAX na nagsibing get-away vehicle ng suspek pati na rin ang ninakaw na motorsiklo.
Nakumpiska rin sa naarestong suspek ang isang sling bag, isang transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa 4.28 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P29,104 ang halaga at PNP issued firearm na isang Jericho 45 FS na may isang magazine at sampung bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016, Omnibus Election Code at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Druc Act of 2002. EVELYN GARCIA