IBINABA ng World Bank ang growth forecast nito para sa ekonomiya ng Pilipinas sa 5.6% sa 2023 sa gitna ng mataas pa rin na inflation.
Ang numero na inilabas sa isang report nitong Biyernes ay mas mahina kumpara sa 5.8% initial forecast noong Oktubre at mas mababa sa 6% hanggang 7% target ng pamahalaan.
Subalit ang forecast ng World Bank para sa Pilipinas ay mas mabilis kumpara sa mga kalapit-bansang Indonesia (4.9%), Malaysia (4.3%), Thailand (3.6%), at Cambodia (5.2%).
Sinabi ng World Bank na karamihan sa major economies sa developing East Asia and Pacific (EAP), kabilang ang Pilipinas, ay bumawi mula sa shocks at nakikitaan ng growth signs.
Gayunman ay hindi pa nababawi ang lakas ng output at hindi pa nakababalik sa pre-pandemic levels.
Sinabi pa ng bangko na bagama’t ang paglago ng rehiyon ay nakaangkla sa malakas na private consumption at goods exports, ang regional economies ay nagpapakita ng mga senyales ng humihinang domestic at foreign demand.
Naunang sinabi ng mga opisyal na ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumago ng 7.6% noong 2022, ang pinakamalakas nito magmula noong 1976.
Binanggit pa ng World Bank sa report na bagama’t ang inflation ay nag-peak na sa ilang ekonomiya, patuloy itong tumataas sa Pilipinas at Vietnam.
Ang inflation sa bansa ay bumagal sa 8.6%, subalit siyam na commodity groups ang nagtala pa rin ng mas mataas na presyo. Para sa taong ito, inaasahan ng central bank na ang inflation ay magtatala ng average sa ibabaw ng upper end ng target range na 6%.