ISANG libong piso kada araw ang kailangan ng isang manggagawa sa Metro Manila para sa kanyang arawang gastos ngayong panahon ng pandemya at sunod- sunod ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang inihayag ni Trade Union Congress of the Philippines at Alliance of Labor Union (ALU-TUCP) Spokesman Allan Tanjusay batay na rin sa kanilang ginawang pag-aaral sa tinatawag na living condition at expenses ng mga minimum wage earner.
Subalit sinabi ni Tanjusay na hindi naman eksaktong P1,000 dagdag sa arawang suweldo ang ihihirit nila sa National Capital Region (NCR) Regional Tripartite wage board.
Sinabi ni Tanjusay na sa kasalukuyan ay patuloy pa nilang tinatapos ang kanilang komputasyon at pinag-aaralan ang ilang mga salik para makabuo ng eksaktong halaga para sa ihahain nilang petisyon para sa umento sa sahod.
Inihayag pa ni Tanjusay na ngayong araw ay matatapos na nila ang paghahanda sa petisyon at malalaman na kung magkano ang ihihirit nilang wage increase.
Alas-10 ng umaga ngayong araw, Marso 14, ay ihahain nila sa DOLE-NCR ang petisyon.
Tiniyak naman ng TUCP-ALU na susunod na nilang ihahain ang wage petition sa mga regional wage board. JEFF GALLOS