(Sinita dahil walang helmet) RIDER TIMBOG SA P100K HALAGA NG SHABU

CALOOCAN CITY– NASAMSAM ng awtoridad ang dalang shabu na nasa mahigit P100,000 ang halaga ng isang rider matapos masita ng mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita dahil walang suot na helmet sa lungsod na ito, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct (PCP)-7 P/Major Rammel Ebarle ang naarestong suspek na si Billy Joe Morata, 30, ng Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Sa nakarating na ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, dakong alas-6:40 ng umaga, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng PCP-7 sa pa­ngunguna ni Maj. Ebarle sa Brgy. 160 nang parahin ni PCpl Reymond Tacbas at PCpl Eddie Torres ang suspek dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang kulay itim na Suzuki smash.

Habang inaalam ang mga kaukulang papeles ng kanyang motorsiklo, napansin ng mga pulis ang isang patalim na nakasukbit sa baywang ng suspek na naging dahilan upang arestuhin ito.

Nang kapkapan, narekober sa suspek ang isang coin purse, isang plastic sachet na naglalaman ng 9.78 gramo ng shabu na nasa P66,504 street value at isa pang sachet na naglalaman ng 5.24 gramo ng shabu nasa P35,632 street value. EVE GARCIA/VICK TANES

Comments are closed.