TAGUIG POLICE ARESTADO SA SHABU 

shabu

ARESTADO ang isang pulis makaraang isilbi ang search warrant laban sa kanya bunsod ng pagkakasangkot nito sa mga ilegal na aktibidad kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director Brig./Gen. Eliseo Cruz, nakalulungkot  ang pagkakasangkot ni P/Sergeant Nestor Santos, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 2 ng Taguig City Police, at inatasan na dalhin ang suspek sa District Personnel Holding and Accounting Section (DHPAS) sa ilalim ng District Personnel and Management Unit (DPMU).

Bukod kay Santos ay sinibak din ni Cruz ang hepe ng PCP-2 ng Taguig police na si P/Lt. Jesus Badua dahil sa command responsibility.

Sinabi ni Cruz na naisakatuparan ang pagkakaaresto kay Santos dakong alas-8:55 ng gabi sa kanyang tirahan sa 375 MLQ Street, Barangay Bagumbayan, Taguig City sa bisa ng search warrant na inisyu ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Judge Leili Cruz Suarez ng Branch 163.

Dahil sa mga reklamong natanggap ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pagkakasangkot ni Santos sa mga ilegal na aktibidad ay naaresto ito kung saan nakumpiska sa kanya ang isang .45 kalibre pistol na may magazine at kargado ng pitong bala; 11 piraso ng heat-sealed sachets ng shabu; isang malaking heat-sealed plastic sachet na naglalaman din ng shabu; 19 na piraso ng aluminum foil, isang lighter at isang gun ting.

Bukod sa ilegal na droga, napag-alaman din ni Cruz na sangkot din si Santos sa pagbebenta ng matataas na kalibre ng baril gayundin ang pagbebenta ng mga hindi rehistradong motorsiklo na narekober ng team nito sa kanilang mga naunang operasyon. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.