TARGET NA 4% INFLATION KAYANG MAABOT – SOLON

Senador Win Gatchalian-2

NANINIWALA ang isang senador na kayang maabot ang 4-percent inflation rate target ng gobyerno para sa 2019 dahil magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo

“In 2019, dahil nakita rin namin sa aming sariling pag-aanalisa na ang presyo ng langis ay patuloy na bababa. Ito ay may epekto rin sa pangunahing bilihin natin sa loob ng bansa,” pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian sa panayam sa radyo.

Aniya, kapag ang inflation rate  ay lumagpas sa 4-percent target, mararamdaman pa rin ng mga consumer ang pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin.

“’Pag lumagpas sa target na 4%, ang ibig sabihin mararamdaman pa rin ang bilis ng taas ng presyo. May clamor pa rin na itaas ang pamasahe, na magiging domino effect. So, importante na nasa loob tayo ng target range,” paliwanag pa ng senador.

Ang pagtaya ni Gatchalian ay base sa pagbaba ng presyo ng langis, na nagdedetermina sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Dahil nakita rin namin na ang presyo ng langis ay patuloy na bababa at may epekto rin sa pangunahing bilihin sa loob ng bansa,” sabi pa niya.

Bukod sa presyo ng langis, sinabi ni Gatchalian na ang pamasahe at presyo ng pagkain tulad ng isda at gulay, ay bumaba rin noong Disyembre.

“Ang isda ang laki ng ibinaba, ang gulay halos kalahati, ang pamasahe. Maraming bumaba at magtutuloy-tuloy ‘yan in the next few months,” dagdag pa niya.

Ayon  sa  Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation rate ay bumagal sa 5.1 percent  noong Disyembre 2018 – ang pinakamababang annual rate magmula noong Hunyo 2018.

Comments are closed.