PASAY CITY – ISANG technician ang naaresto ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Calabar-zon matapos na ito ay mahulihan ng 5.8 milyong halaga ng shabu sa buy bust operation kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Ang suspek ay nakilalang si Sarifi Uday Dumama, 32-anyos, at naninirahan sa Globo de Oro St., Golden Mosque, Quiapo, Manila.
Ayon kay PDEA Agent Floro Katangcatang, ang suspek ay naaresto dakong alas-10:20 ng umaga nang sila ay magsagawa ng buy bust operation sa Marina Way corner Seaside Blvd Macapagal Avenue, Pasay City laban sa suspek.
Isa sa mga tauhan ng PDEA ang nagpanggap na bibili ng P1 milyong halaga ng droga sa suspek at nang kanyang iabot ang nasabing droga ay agad namang dinampot ng mga nakaantabay na mga awtoridad ang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang plastic bag at tupperware na naglalaman ng 21 pirasong transparent plastic na tinatayang nasa mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu.
Agad namang dinala sa Camp Vicente Lim sa Calabarzon para isailalim sa interogasyon at isasagawa ang masusing imbestigasyon upang alamin kung sino-sino pa ang mga kasabwat nito.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o comprehensive dangerous drug of 2002 ang nadakip na suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.