WALO KATAO ISINELDA NANG MAHULIHAN NG SHABU

shabu

NAVOTAS CITY – NASAKOTE ang walong katao kabilang na ang isang babae nang makunan ng shabu sa magkakahiwalay na operas­yon kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling-araw sa lungsod na ito.

Alas-8:50 ng gabi nang dakpin sina Michael Gerald Vasquez, 43,  binata, tambay; Williezer Ramos, 32, binata, tambay; at Jeffrey Sy, 46, binata, tambay, pawang ng A.R. Cruz, Brgy. Tangos South, Navotas City.

Isang pulis ang nakaiskor ng isang sachet ng shabu sa mga suspek kapalit ng P300 marked money at pagsenyas ng buyer sa mga kasama ay dinamba na ang tatlong suspek na nakumpiskahan ng pinagsamang limang sachet na naglalaman ng hindi batid na rami ng shabu at marked money na P300.

Ala-1:00 naman kahapon ng madaling-araw nang mahulihan ng  da­lawang sachet ng shabu sa Apugan St., Brgy. Tangos North sina Mark Hisoler, 30, tambay, binata, ng 359 Apugan St., Brgy. Tangos North, Navotas City; at Prince Juffer Sonido, 34, tambay, binata, ng 4213 Diem St., Gen. T. De Leon Valenzuela City.

Makalipas ang isang oras ay nasakote at nakuhanan ng tatlong sachet ng shabu sa R. Domingo St., Brgy. Tangos North sina Annaliza Placido, 47, tambay, may-asawa, ng 44 B Cruz St., Brgy., Tangos North, Navotas City; Jayson Pacheco, 29, mangingisda, ng 153 R. Domingo St., Brgy. Ta­ngos North, Navotas City; at Marvin Bagtas, 31, cons­truction worker, ng 70 M. Domingo St., Brgy., Ta­ngos North, Navotas City.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga dinakip. EVELYN GARCIA