WARRIORS BUHAY PA

NAGTUWANG sina Klay Thompson at Stephen Curry para sa pitong 3-pointers sa third quarter upang tulungan ang Golden State Warriors na burahin ang 10-point halftime deficit tungo sa 115-86 panalo laban sa Houston Rockets sa Game 6 ng  Western Conference finals noong Linggo ng gabi sa Oakland, California.

Nakatakda ang Game  7 sa Lunes ng gabi (Martes sa Manila) sa Houston kung saan ang magwawagi ay uusad sa NBA Finals upang makasagupa ang Boston Celtics o Cleveland Cavaliers, na lalaruuin ang kanilang ‘do-or-die’ game ngayong araw sa Boston.

Sumasakay sa two-game winning streak subalit wala si injured point guard Chris Paul, ginulantang ng Rockets ang defending champs sa maagang pagputok ng apat na sunod na 3-pointers upang maitarak ang 39-22 kalama­ngan matapos ang isang quarter.

Subalit nakalapit ang Warriors sa 61-51 sa halftime, pagkatapos ay nanalasa sa 3-point area upang malamangan ang Houston bago matapos ang third quarter at kumawala sa kaagahan ng fourth.

Makaraang magtuwang para sa 3-for-13 shooting sa tres sa first half, sina  Thompson (4-for-5) at Curry (3-for-4) ay nagpasabog ng pitong 3-pointers sa third quarter, kung saan na-outscore ng Warriors ang Rockets, 33-16, upang kunin ang kalamangan na hindi na nila binitiwan.

Na-outscore ng Golden State ang Houston, 31-9, sa huling 12 minuto.

Naitala ni Thompson ang 21 sa kanyang  game-high 35 points sa second half at nagdagdag si Curry ng 16 sa kanyang 29,  upang tulungan ang Golden State na umabante ng hanggang 30 points tungo sa series-tying win.

Kumana si James Harden ng team-high 32 points para sa Rockets, kabilang ang 15 sa first quarter, kung saan kumonekta ang Houston ng 8 of 12 mula sa 3-point range.

Bumuslo ang Rockets ng 11-for-22 sa tres sa first half, subalit 4-for-17 lamang sa mga sumunod na yugto.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 23 points para sa Warriors, na hindi pa nakararating sa Game 7 magmula noong 2016 NBA Finals laban sa Cleveland, isang laro na napagwagian ng Cavaliers upang mapigilan ang Golden State sa pagkopo ng back-to-back titles.

Tumirada si Draymond Green ng team-high 10 rebounds at 9 assists para sa Warriors, na bumuslo ng 49.4 percent overall mula sa field.

Tumapos si Harden, bumuslo ng 4-for-12 sa tres, na may pitong rebounds at team-high nine assists para sa Rockets, na gumawa ng 21 turnovers.

Tumipa si Eric Gordon, naging starter kapalit ni Paul, ng 19 points,  gumawa si Trevor Ariza ng 14 at nagdagdag si Gerald Green ng 11 para sa Rockets, na bumuslo ng 40.3 percent mula sa field.

Comments are closed.