WARRIORS PINALAMIG ANG HEAT

GSW-HEAT

NAISALPAK ni DeMarcus Cousins ang dalawang tie-breaking free throws makaraang mabawi ang sablay na 3-pointer ni Kevin Durant, may 5.4 segundo ang nalalabi, na naging tuntungan ng Golden State Warriors para malusutan ang 3-point-shooting assault ng ­Miami Heat, 120-118, sa Oakland, Calif noong Linggo ng gabi.

Ang laro ang final Oakland appearance ni Heat standout Dwyane Wade, na nag-ambag ng 10 points, 6 rebounds at 9 assists.

Naghabol ang ­Miami sa 107-99, may 5:34 sa orasan, bago nag-rally upang itarak ang 116-115 kalamangan sa steal at hoop ni Wade, may 54.8 segundo ang nala­labi.

Pinalobo ni Josh Richardson ang bentahe sa tatlo sa pamamagitan ng sarili niyang steal at hoop, may 51.5 se­gundo ang nala-labi, bago tinapos ni Durant ang 39-point night sa game-tying 3-pointer.

Makaraang magmintis si Justise Winslow sa 3-pointer para sa Miami, sumablay si Durant mula sa 6 feet. Subalit nakuha ni Cousins ang rebound, kung saan nakahugot siya ng foul at naipasok ang game-winning free throws.

Nagdagdag si Klay Thompson ng 29 points at gumawa si Stephen Curry ng 25 para sa Golden State, na nanalo ng apat na sunod.

Nagbigay si Draymond Green ng game-high 14 assists para sa Warriors.

Nagtala si Richardson ng season-highs sa points na may 37 at 3-pointers na may walo para sa Heat.

MAGIC 124, HAWKS 108

Kumana si All-Star Nikola Vucevic ng 19 points upang pangunahan ang pitong Orlando players sa double figures, at nakumple-to ng Magic ang back-to-back road sweep sa pagbasura sa Atlanta Hawks.

Si Vucevic ay 8 of 13 mula sa field at nagdagdag ng 12 rebounds. Nakakuha rin ang Magic ng 18 points mula kay Terrence Ross, tig-17 kina Jonathan Isaac at Evan Fournier, 14 points kay D.J. Augustin, 12 kay Aaron Gordon, na naglaro sa kabila ng sore back,  at  10 kay Wes Iwundu.

Nanguna si Alex Len para sa Hawks na may 16 points, bagama’t nakakuha ng apat na fouls sa first half.

Ang Orlando ay 12-10 ngayon sa back-to-back sets. Ang Magic ay 8-3 sa  first game at 4-7 sa second game. Ito ang unang pagkakataon na ang Orlando ay nanalo sa back-to-back road games magmula noong Abril 2014.

Ito ang ikatlong sunod na pagkatalo ng Atlanta, ang ikalawang sunod sa seven-game homestand nito.

Ang Atlanta ay natalo ng limang sunod sa home games.

KINGS 117, SUNS 104

Nagbuhos si rookie Marvin Bagley III ng career-high 32 points nang gapiin ng host Sacramento Kings ang Phoenix Suns.

Umiskor si Bagley ng 10 of 15 mula sa field at 11 of 13 mula sa free-throw line upang burahin ang kanyang naunang high na 24 points, na kanyang naitala sa panalo ng Sacramento laban sa San Antonio noong Lunes.

Nag-ambag si Buddy Hield ng 18 points, habang kumamada si Bogdan Bogdanovic ng 14 para sa Kings, na naiposte ang 5-1 mark sa kanilang six-game homestand at nakabawi sa 26-turnover performance sa 115-111 pagkatalo sa  Phoenix noong Enero 8.

Tumapos si Devin Booker na may 27 points at 8 rebounds sa kanyang pagbabalik mula sa two-game absence dahil sa hamstring injury para sa Suns,  na natalo ng 14 na sunod.

Comments are closed.