TAGUIG CITY – NASAMSAM ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang halos isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon sa parking lot ng Food Terminal Inc. (FTI).
Nagpanggap na buyer ang isang PDEA agent at nang maiabot ng mga suspek ang bulto ng shabu ay agad dinakip ang mga ito.
Arestado ang dalawang drug suspek na kinilala sa mga alyas na Nor at Abdulan.
Hinala ng PDEA, ang dalawa ay nagtatrabaho bilang drug courier at konektado sa isang Chinese drug syndicate.
P10.4-B SHABU AT KEMIKAL WINASAK NG PDEA
Sa Cavite, umaabot sa P10,402,597,206.30 ng droga at mga laboratory equipment na ginagamit sa paggawa ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, ang winasak ng PDEA kahapon sa Barangay Aguado, Trece Martirez City.
Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino na nanguna sa destruction ceremony ng mga nakumpiskang droga at non-drug evidence sa mga inilunsad na anti-drug operations ay lumalabas na ito ang pinakamalaking halaga ng droga na winasak ng kanilang ahensiya.
Ang mga nasabing illegal drug at essential chemical ay sinira sa pamamagitan ng thermal decomposition na proseso kung saan ang isang chemical compounds ay winawasak para maging isang single unit sa pamamagitan ng sobrang init kaya imposible na itong muling maibalik sa orihinal substances.
Bukod sa mga finish products, kasama ring winasak ang 7,868 liters ng liquid chemicals na binubuo ng ethanol, methanol, acetic acid, safrole, dichloromethane, P2P, ammonia, methylamine, at 2,153,000 grams ng solid chemicals (composed of potassium iodate, potassium hydroxide, phosphoric acid, sodium bicarbonate, sodium hydroxide, tartaric acid and sodium sulfate). VERLIN RUIZ
Comments are closed.