SULU – KINUMPIRMA ng militar ang pagpapalaya sa isang district engineer na bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa loob ng ilang buwan sa Latih, Patikul.
Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Commander ng Joint Task Force Sulu, bandang alas-08:00 ng umaga ay pinalaya si Engr. Enrico Nee, kawani ng District 1 Department of Public Works and Highways.
Si Nee ay dinukot noong Pebrero 14 ng grupo ni Mujir Hadiada at Hatib Sawadjaan.
Si Sawadjaan ang most senior ASG leader na responsable sa abduction ng biktima.
Hindi naman idinetalye ng opisyal ang naging pagpapalaya sa bihag pero kanyang sinabi na bahagi pa rin ito ng intense military operation sa Mindanao partikular na sa Sulu kaya nagkusa ang bandidong grupo na pabayaan na ang biktima.
Matatandaang noong nakaraang linggo lang ay pinalaya ng ASG ang dalawang pulis na kanilang dinukot na sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad.
Nabatid na sa kasalukuyan ay may nalalabi pang siyam na hostage ang ASG sa Sulu na kinabibilangan ng isang Dutch, tatlong Indonesian, isang Vietnamese at apat na Filipino. VERLIN RUIZ
Comments are closed.