DUMATING sa opisina ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang 2,000 mono chairs na gagamitin ng mga locally stranded individual (LSI) passengers sa terminal 2 at 3.
Ito ay makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pagbili ng karagdagan na mga upuan para sa stranded na mga pasahero sa loob ng mga paliparan.
Nakarating sa kaalaman ng Pangulo na natutulog ang mga LSI sa sidewalk at sa ilalim ng Skyway malapit sa NAIA.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, ang 2.000 mono chairs ay ilalagay sa mga departure area ng terminal 2 at 3 upang magamit ng papaalis na mga pasahero habang naghihintay ng kani-kanilang mga kanseladong flights.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin si Monreal sa ilang airline representatives na iwasan ang pagkakansela ng biyahe upang maibsan ang pagdagsa ng mga pasahero sa loob ng airport.
Ayon naman sa mga taga-airlines, wala silang magawa kung hindi kanselahin ang flight kapag hindi pumayag ang local government unit (LGU) na tumanggap ng LSI at returning OFWs.
Kaugnay nito ay nangako ang Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Asia, na hindi sila mag-iisyu ng tiket sa mga pasahero nang walang permiso mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) at LGU. FROI MORALLOS
Comments are closed.