(Noong Abril) JOBLESS NA PINOY LUMOBO SA 2.04M

NADAGDAGAN ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy noong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang press conference, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang mga jobless na Pinoy na may edad 15 at pataas ay umakyat sa 2.04 million noong Abril mula 2 million noong Marso.

Year-on-year, ang bilang ng mga  walang kayod noong Abril ay mas mababa sa 2.26 million na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Bilang percentage ng kabuuang 50.40 milyong katao sa labor force na aktibong naghahanap ng trabaho, ang unemployment rate ay nasa 4%, tumaas mula 3.9% noong Marso.

Ayon kay Mapa, kapansin-pansin ang year-on-year decrease sa employed persons sa agriculture and forestry sector sa 818,000.

“This could be because of the impact of El Niño… as production was lower, you have that decrease also in employed [persons],” paliwanag ng PSA chief.

Sa first quarter ng 2024, ang crop production ay bumaba ng 0.3% sa P247.04 billion.

Bukod sa agriculture and forestry, ang mga sektor na nagtala ng pinakamalaking pagbaba sa employed persons ay ang wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles (-587,000); human health and social work activities (-85,000); public administration and defense, compulsory social security (-72,000); at real estate activities (-68,000).

Dahil dito,  ang bilang ng mga may trabaho noong Abril ay bumaba sa 48.36 million mula 49.15 million noong Marso.

Year-on-year, ang bilang mga Pinoy na may trabaho at kabuhayan ay tumaas mula 48.06 million noong Abril 2023.

Bilang percentage ng total labor market participants, ang employment rate ay nasa 96%, bumaba mula 96.1% noong Marso ngunit tumaas mula 95.5% noong Abril ng nakaraang taon.

Ang mga sektor na may pinakamataas na paglago sa employed persons ay ang accommodation and food service activities (638,000);  construction (378,000); transportation and storage (289,000); manufacturing (285,000); at other service activities (200,000).

Ang services sector ay nanatili bilang  top sector pagdating sa bilang ng may trabaho, na bumubuo sa 61.4% ng kabuuang employed individuals sa naturang buwan.

Ang agriculture and industry sectors, ang bumubuo sa 20.3% at  18.3% ng the employed persons noong Abril, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, tumaas ang din underemployment rate sa 14.6 percent noong Abril mula  12.9 percent sa kaparehonh buwan noong 2023 at 13.9 percent noong Enero 2024.

“In terms of magnitude, 7.04 million of the 48.36 million employed individuals expressed the desire to have additional hours of work in their present job or to have additional job, or to have a new job with longer hours of work in April 2024,” ayon sa PSA.