MATAGUMPAY ang ginanap na “Gabi ng Himala: Mga Awit at Kuwento” na napanood via online streaming noong Abril 21.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsama sa isang proyekto sina Piolo Pascual, Marian Rivera, Jodi Sta.Maria, Maja Salvador, Jericho Rosales,Tom Rodriguez, Nadine Lustre, Angelica Panganiban, Shaina Magdayao, Raymond Bagatsing at Iyah Mina sa isang online fund-raising project para sa maliliit na mga manggagawa ng pelikulang Pilipino na naapektuhan ng Covid-19 crisis.
Hango sa classic film ng Superstar na si Nora Aunor na “Himala” (1982) na iprinudyus ni Charo Santos Concio para sa Experimental Cinema of the Philippines at idinirek ng National Artist na si Ishmael Bernal mula sa panulat ng multi-award winning screenwriter na si Ricky Lee, gumanap bilang Elsa (ang iconic role ni Ate Guy) sa iba’t-ibang segments sina Marian Rivera, Maja Salvador, Jodi Sta Maria, Shaina Magdayao, Nadine Lustre at ang “tranny” na si Iyah Mina.
May sarili ring interpretasyon si Jericho Rosales mula sa direksyon ni Dan Villegas.
Ang utimate heartthrob na si Piolo Pascual naman ay gumanap bilang si Orly (Spanky Manikan in the film), samantalang si Angelica Panganiban ay binigyang-buhay ang papel ni Nimia (Gigi Dueñas / Gigi de Beaupré sa pelikula), ang prostitute sa nasabing pelikula.
Mga award-winning filmmakers ang nagdirek sa kanila online (pre-recorded via Zoom) sa iba’t ibang mga eksena sa klasikong obra ni Direk Ishmael Bernal.
Idinirehe ni Direk Joyce Bernal sina Jodi at Piolo (eksenang ini-interview ni Orly si Elsa), samantalang sa isang pambihirang pagkakataon, idinirek ni Direk Olivia Lamasan sina Maja (bilang Elsa) at Angelica (Nimia) sa isang eksena.
Samantala, sa unforgettable final monologue ni Elsa na “Walang Himala!”, ini-arte ito nina: Marian sa direksyon ni Dingdong Dantes, Shaina mula sa direksyon ni Lav Diaz; Nadine sa direksyon ni Petersen Vargas, at Iyah sa direksyon ni Sigrid Andrea P. Bernardo.
Binigyang buhay naman ni Tom Rodriguez ang papel ng pari sa nasabing klasiko mula sa direksyon ni Ricky Davao.
Ayon sa batikang manunulat na si Ricky Lee, binigyan daw niya ng kalayaan ang filmmakers sa kanilang interpretasyon sa pagdidirek sa kanilang mga artista.
Ang espesyal na programang ito ay napanood sa Facebook pages ng Lockdown Cinema Club, Star Cinema, at ABS-CBN Film Restoration.
Nag-perform din ng song numbers mula sa Himala: The Musical sina Lea Salonga, Bituin Escalante, at Aicelle Santos.
Tampok naman sa question and answer portion ng show sina Charo, Ricky, Direk Joel Lamangan (dating production staff/casting director ng Himala) at La Aunor.
Ang fund-raising project na ito na ini-host nina Ryan Agoncillo at Bianca Gonzales ay inorganisa ng Directors Guild of the Philippines (DGPI), Lupon ng Pilipinong Sinematograpo (LPS) at Ricky Lee Film Scriptwriting Workshop.