ISANG veteran player ang magbibigay ng karagdagang lakas sa Petro Gazz team.
Inanunsiyo ng Petro Gazz Angels ang pagpasok sa koponan ni veteran outside hitter Nicole Tiamzon bago ang 2022 Premier Volleyball League (PVL) season.
“Let’s all welcome, one of the biggest hearts for the next generation aspiring volleyball players, founder and director of Spike and Serve Philippines,” tweet ng Petro Gazz.
“Nicole Tiamzon, all #GazzedUp to inspire more people out there with her level of play!”
Si Tiamzon ay naging mainstay ng Perlas Spikers at isa sa mga lider sa koponan sa nakalipas na apat na taon.
Iginiya ng dating University of the Philippines standout ang Perlas sa tatlong bronze medals sa 2018 at 2019 Open Conference at 2018 Reinforced Conference.
Ang 26-anyos na atleta ay napili ring 1st Best Outside Spiker sa 2019 PVL Reinforced Conference.
Makakasama ni Tiamzon sa Petro Gazz ang ilang stars tulad nina Grethcel Soltones, Myla Pablo, at Rem Palma.