WARRIORS RUMESBAK SA BLAZERS

warriors

NAGBUHOS si Klay Thompson ng 32 points at nagdagdag sina Stephen Curry at Kevin Durant ng tig-25 upang tulungan ang Golden State Warriors na makaganti sa Portland Trail Blazers sa pamamagitan ng 115-105 panalo noong Sabado ng gabi.

Na-outscore ng Golden State, nalasap ang 110-109 home loss sa Blazers noong Huwebes, ang Portland sa unang tatlong quarters upang makaiwas sa ikalawang three-game losing streak sa season.

Humataw si Thompson ng 4 of 5 mula sa 3-point range, habang si Durant ay  10 of 19 sa floor.

Nagsalpak si Damian Lillard ng anim na 3-pointers at tumabo ng 40 points para sa Portland. Ito ang ika-limang pagka-kataon ngayong  season na gumawa si  Lillard, naipasok ang go-ahead 3-pointer sa panalo sa Oracle Arena,  ng hindi bababa sa 40 points.

Tumapos si Jusuf Nurkic na may 21 points, 10 rebounds at 7 assists para sa Blazers.

ROCKETS 108, PELICANS 104

Nagpasabog si James Harden ng 41 points at naging ­unang NBA player matapos ni Oscar Robertson na nagtala ng hindi bababa sa 35 points at 5 assists sa pitong sunod na laro, upang pangunahan ang Houston Rockets sa panalo laban sa New Orleans Pelicans noong Sabado ng gabi.

Tumipa si Harden ng 26 points sa first half at umabot sa 40 para sa ikatlong sunod na laro. Nagtala siya ng 7 for 16  mula sa 3-point range, naipasok ang lahat ng 14 free throws at nagdagdag ng 6 assists.

Naging malamig si Anthony Davis isang gabi makaraang humataw ng season-high 48 points sa panalo laban sa Dallas, kung saan bumuslo lamang siya ng lima sa first half at tumapos na may 22 points.

Nanguna si Julius Randle para sa  Pelicans na may 23 points at 11 rebounds.

CELTICS 112, GRIZZLIES 103

Sa Memphis, ku­mamada si Kyrie Irving ng 26 points at 13 assists, nagdagdag si Al Horford ng 18 points, kabilang ang pares ng krusyal na 3-pointers sa huling 1:32, at pinataob ng Boston Celtics  ang Memphis Grizzlies noong Sabado ng gabi.

Umiskor si Marcus Morris ng 22 points para sa Boston, at nag-ambag si Gordon Hayward ng 14 mula sa bench.

Nanguna si Mike Conley para sa Memphis na may 26 points, habang nagdagdag si Dillon Brooks ng 19.  Tumapos sina Jaren Jackson, Jr. at Marc Gasol na may tig-15 points.

WIZARDS 130, HORNETS 126

Sa Washington,  kumana si Trevor Ariza ng 24 points at isa sa pitong Washington players na nagtala ng double figures  nang igupo ng  Wzards ang Charlotte Hornets.

Nagdagdag si Thomas Bryant ng 21 points at 10 rebounds, at nagposte si Ariza ng 9 assists at 7 rebounds.

Comments are closed.